Bakit ka ba kasi nag Nurse?!
Bakit ka kasi nag Nurse?
Yeah, bakit nga ba? Umpisa pa lang mahirap na. Mapili ang mga Nursing schools sa estudyante. Mahigpit sa admission. Pag nakalusot ka wag ka magdiwang agad. Not so fast man, you will be tested numerous times until you are polished and ready to illuminate your patients life. Yung board exam? maniwala ka. Iiyak ka. Pagkaharap mo na yung papel? Magmumuka ka lang tanga kasi para kang walang alam. Yung pagaapply sa hospitals? Isa pa yan. Magbabayad ka para makapag training. Walang sweldo habang training(I am just blessed to be in an institution that provided us with a lot even we have to pay an amount which was acceptable). Kapag sumesweldo ka na masaya kung aabot ng 7-8 thousand ang sweldo mo. Yung iba 4-5 thousand. Paano ang pamilyang pinapakain mo? Anak na pinagaaral? Kapatid na walang baon? Magulang na may sakit?
Rest day? maswerte ka kung magkasunod na araw. Mas maswerte ka kung meron. Tanggapin mo na rin na uuwi ka lagi galing sa 10-14 hours duty kasi kulang sa oras. Hindi ka makakakain ng maayos. Bihira ka maka ihi. Masakit ang mga binti mo buong araw dahil naka tayo at palakad lakad ka. Uuwi ka rin ng masama ang loob dahil may mga katrabaho na gigipitin ka. Kung bago ka? humanda ka nang hindi maka uwi hanggat di sinabi ng senior mo. Uutusan ka ng kung sino sino. Pati TV sayo ipapaayos ng pasyente. Mamaliitin ka hanggat sa mamaliitin mo na rin ang sarili mo. Aabot ka sa punto na tatanungin mo ang sarili mo “bakit ka kasi nag Nurse!?” (hanep naisingit ko na yung title).
Bakit nga ba? teka mali. Bakit hindi?! Why not?! Yan ang mas tama. Nung nagaaral pa lang ako akala ko hindi totoo na iba ang pakiramdam ng makatanggap ng “thank you” galing sa taong inalagaan mo. Sa isang taong hindi mo kilala, hindi mo kadugo pero nasa harapan mo at kailangan ang pag aalaga mo. Hindi mo maiintindihan ang pakiramdam hanggat di mo nararanasan. Totoo pala mawawala ang pagod at inis kapag nakita mo silang uuwi. Uuwi ng nakangiti at buhay. Laging sinasabi na we are touching lives everyday, yes totoo pala talaga. Dito mo marerealize kung gaano ka kapalad bilang tao. Dahil bukod sa malusog ka, ikaw ay Nurse. Ikaw ang may lakas, talino, tapang at lalong lalo na PUSO para alagaan ang pasyente mo. Hindi lang pasyente mo ang umaasa sayo. Mga doctor, medtech, PT at kahit mga janitor. Sa atin sila kumukuha ng ideya sa susunod nilang hakbang. Kapag hindi tayo kumilos lahat apektado. Napaka laki ng responsibilidad natin pero napaliit ng ating authority. Masusukat ang galing mong makisama at haba ng pasensya.
Bakit ka ba kasi nag Nurse?!
Siguro kasi alam ng Diyos na kaya kong mapasaya ang ibang tao. Na may kakayanan akong pagaanin ang kalagayan nila. Siguro dahil may kakayanan akong matandaan lahat ng aralin ko sa eskwelahan na magagamit ko sa pagaalaga ko sa mga pasyente. Siguro kasi kaya kong tiisin yung gutom, pagod at panghahamak ng iba. Pwede ring may lakas ako ng loob na gumawa ng bagay para sa mga pasyente ko kahit alam kong delikado. At lalong lalo na siguro, dahil may puso akong matibay at mapagmahal na
kayang ibahagi ito sa kapwa.
Aabot tayo sa panahon na ayaw na talaga. Masyado nang mabigat eh. Hindi na masaya. May mga panahong tatanungin mo ang pasyente mo kung kumain na sila habang ikaw, kumakalam na ang sikmura. Babantayan mo kung naka ihi na sila habang ikaw puputok na ang pantog dahil walang panahon para maka pag CR. Pero isa lang ang sasabihin ko sayo. Naniniwala akong pag pasok mo pa lang sa Nursing school hinuhubog ka na ng Diyos bilang Nurse. As an extension of his healing hands. Hindi ka man nagttrabaho bilang Nurse. Araw araw ka pa ring gigising bilang isang Nurse. Hindi na maaalis sa pagkatao mo iyon. Naniniwala akong darating ang panahon na gagawa ka pa rin ng mga bagay na magpapakita kung ano ka, na Nurse ka.
Hindi ko alam kung kailan magiging magaan o masagana ang buhay ng mga Nurse dito sa atin. Ang sigurado lang ako ay kahit kailan hindi titigil ang mga Nurse sa bansang ito na maglingkod. Di kami magsasawa na balikan ang propesyong bumuo sa pagkatao namin.
Kaya ang sagot ko sa tanong na “ Bakit ka ba kasi nag Nurse?!”
ang sagot? “KASI KAYA KO.”
Comments
Post a Comment